Home NATIONWIDE Pagbibitiw ni Fajardo sa ICI, ‘natural flow of things’ — Clavano

Pagbibitiw ni Fajardo sa ICI, ‘natural flow of things’ — Clavano

224
0

MANILA, Philippines — Itinuring ng Office of the Ombudsman bilang bahagi ng normal na takbo ng mga pangyayari ang pagbibitiw ni Rossana Fajardo bilang commissioner ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang pag-alis ni Fajardo ay hindi ikinabahala ng ahensya at maituturing na “natural flow of things.”

Nagbitiw si Fajardo noong Biyernes at epektibo ito sa Disyembre 31, 2025. Sinabi naman ng Malacañang na pansamantala lamang talaga ang papel ng ICI.

Ipinaliwanag ni Clavano na itinatag ang ICI upang magsilbing pansamantalang mekanismo sa panahon ng paglipat ng pamunuan ng Ombudsman, na may layuning tiyakin ang mabilis at maayos na fact-finding at imbestigasyon.

Dagdag pa niya, naipasa na ng ICI sa Ombudsman ang mga referral para sa karagdagang beripikasyon at posibleng pagsasampa ng mga kaso.

Sinang-ayunan din ito ni ICI Chairperson Andres Reyes Jr., na nagsabing ang pagbibitiw ni Fajardo ay dumating sa tamang panahon dahil tapos na halos ang pangunahing mandato ng komisyon.

Binanggit ni Clavano na maselan ang posisyon sa ICI dahil wala itong immunity mula sa posibleng demanda, kaya’t pinuri niya ang mga pribadong indibidwal na tumanggap ng tungkulin sa kabila ng mataas na panganib.

Tiniyak ng Ombudsman na patuloy nitong bibigyang-halaga ang mga rekomendasyon ng ICI at maraming kasong isasampa sa mga susunod na panahon batay sa mga isinumiteng ebidensya.

Sa ngayon, tututok ang ICI sa pagwawakas ng mga natitirang referral na ipapasa sa Ombudsman upang tuluyang mapanagot ang mga sangkot sa mga kasong iniimbestigahan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here