Home NATIONWIDE NCRPO: Walang beripikadong banta sa Senado

NCRPO: Walang beripikadong banta sa Senado

3
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines — Walang namo-monitor na beripikadong banta laban sa Senado at mga aktibidad para sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sinabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo na nananatili sa full alert status ang pulisya bilang bahagi ng seguridad para sa mga Independence Day activities sa Metro Manila.

“Sa kasalukuyan, wala naman po tayong namo-monitor na direkta at verified na banta laban sa Senado,” pahayag ni Asilo sa panayam sa radyo.

(c) Cesar Morales

“Gayunpaman, patuloy po yung ating intelligence monitoring at security assessment upang agad po natin matukoy at matugunan po kung meron man po mga posibleng concerns,” dagdag niya.

Sa kabila ng kawalan ng kumpirmadong banta, nagtalaga ang NCRPO ng 8,405 pulis, kabilang ang humigit-kumulang 2,000 karagdagang tauhan mula sa Police Regional Office 3 at Police Regional Office 4A.

Layunin ng deployment na tiyakin ang seguridad sa iba’t ibang venue ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Metro Manila.

Binabantayan din ng pulisya ang posibleng mga pagtitipon at kilos-protesta, partikular sa Maynila at Quezon City, bagama’t wala pang grupong nag-aaplay ng permit para sa kanilang mga aktibidad.

Tinatayang 500 pulis din ang itinalaga sa paligid ng Senado bilang bahagi ng karaniwang security preparations.

Ayon sa NCRPO, hindi nakabatay sa anumang beripikadong banta ang deployment kundi bahagi lamang ng mga hakbang pangseguridad. Patuloy rin ang koordinasyon nito sa iba pang law enforcement at intelligence agencies kabilang ang National Bureau of Investigation.

Nagsagawa rin ng clearing operations ang pulisya sa paligid ng Senado upang maiwasan ang pagtatayo ng mga kampo at mapanatili ang kaayusan bago ang posibleng mga pampublikong pagtitipon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here