MANILA, Philippines – Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes na tatlo ang nasawi dahil sa epekto ng Tropical Depression Mirasol, Super Typhoon Nando, at southwest monsoon. Dalawa ang naitala sa Central Luzon at isa sa Cordillera Administrative Region, habang siyam ang sugatan at lima ang nawawala.
Ayon sa NDRRMC, mula Setyembre 16 ay naapektuhan na ang 35,264 pamilya o 123,142 katao. Sa kasalukuyan, 4,360 pamilya (13,431 katao) ang nasa evacuation centers, at mahigit 1,300 pamilya naman ang pansamantalang nakisilong sa ibang lugar.
Nakaulat ng pagbaha at landslide sa Ilocos, Cagayan Valley, CAR, Central Luzon, Metro Manila, Mimaropa, at Bicol.
Nasira rin ang 66 kalsada, 26 tulay, at 28 bahay, habang 49 bayan at lungsod ang nawalan ng kuryente. Kanselado rin ang operasyon ng ilang pantalan at paliparan. Santi Celario