MANILA, Philippines – Negatibo sa tuberculosis ang dismissed na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Lunes na ito ay batay sa resulta ng sputum test ni Guo na isinagawa ng Quezon City Jail Laboratory.
“Inilipat kaagad si Alice Guo sa kanyang nakatalagang selda. She will be sharing the cell with 43 other PDLs,” ani BJMP spokesperson Jail Supt.Jayrex Bustinera sa isang mensahe sa mga mamamahayag.
Si Guo ay na-diagnose na may impeksyon sa kanyang kaliwang baga sa isinagawang medical examination sa PNP General Hospital bago siya inilipat sa Pasig City Jail Female Dormitory noong Lunes ng umaga.
Sa bagong utos, kinansela ng Pasig Regional Trial Court (RTC) ang pagdinig para sa napaka-kagyat na mosyon na inihain ng kampo ni Guo para manatili siya sa PNP Custodial Center.
Sinabi ni RTC Branch 167 Judge Annielyn Medes-Cabelis na nakatanggap ang korte ng impormasyon mula sa Pasig City Jail na si Guo ay “naka-commit na” sa female dormitory nito.
Ang Pasig court ang humahawak sa non-bailable qualified human trafficking complaints na inihain laban kay Guo at ilang iba pa na inihain ng Department of Justice (DOJ) tungkol sa raided illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) facility sa Bamban. RNT