BULACAN, Philippines – Arestado ang dalawang indibiduwal nang masita at mahulihan ng baril sa loob ng kanilang sasakyan sa lungsod ng Malolos nitong madaling araw ng Nobyembre 15.
Sa ulat ni PLTCOL Rommel Geneblazo, hepe ng Malolos police station, kinilala ang suspek na si alyas MJ, 22, negosyante ng Mayantoc, Tarlac at alyas Ron, 25, driver ng Gerona, Tarlac.
Ayon sa ulat, habang nagbabantay sa kanilang ruta ang mga tauhan ng istasyon ay napansin ang isang puting Toyota Hilux na gumamit ng hindi awtorisadong blinkers.
Agad nilang pinahinto ang sasakyan para sa beripikasyon at sa kanilang pagsusuri nakita sa plain view ang kalibreng .45 baril na may nakalagay na magasin at nalamang may 10 bala kalaunan.
Nang hilingin ang mga kaukulang dokumento ng armas ay walang naipakita ang mga suspek kaya agad silang inaresto.
Dinala ang mga suspek sa istasyon para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. (Dick Mirasol III)