MANILA, Philippines – Nananatili pa ring undecided si Vice President Sara Duterte na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028.
Ang sigurado lamang siya ay maaaring mai-aanunsyo niya ang kanyang plano sa “last quarter” ng 2026.
Tinanong kasi si VP Sara hinggil sa komento ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo na “past vice presidents either succeeded their predecessors or returned to power through elections.”
Para kay VP Sara, masyado pang maaga para pag-usapan ang kanyang sariling desisyon.
“Hindi ko alam [ano] mangyayari bukas, pero kung may bansa pa tayong matatawag sa 2028 ay merong elections sa 2028 para sa bagong VP,” ang sinabi ni VP Sara sa isang ambush interview sa Makati Shangri-La para sa 90th Anniversary Celebration ng Office of the Vice President.
Giit pa ni VP Sara, wala pa siyang pinal na desisyon para sa kanyang pagtakbo sa 2028 presidential elections.
“Ay hindi pa ko nakakapagdesisyon kung tatakbo ako sa 2028 so hindi pa ako umabot sa punto na nag-isip kung sino ang VP,” Duterte said.
At nang tanungin ukol sa timelines na umiikot sa kanyang mga taga-suporta, nagbigay si VP Sara ng ‘specific period’ kung kailan niya nais na gumawa ng kanyang opisyal na desisyon.