MANILA, Philippines – Isang 60-anyos na negosyante ang natagpuang patay sa loob ng isang multicab sa Indang, Cavite, kamakalawa ng umaga.
Ayon sa report, kinilala ang biktima na si alyas Vince, may-asawa ng Purok 5, Brgy. Banaba Cerca ng nasabing lugar na hinihinalang may ilang oras nang patay.
Nagsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan sa suspek.
Ayon sa saksi na si Jonalen, bandang alas-6:20 ng umaga nang nadiskubre na wala nang buhay ang biktima sa loob ng isang multicab na may plakang NIL 5974 sa kahabaan ng farm-to-market road sa naturang bayan.
Napansin din na may dalawang butas ang windshield ng multicab na hinihinalang galing sa tama ng bala ng baril.
Ayon sa asawa ng biktima, galing ito sa kanilang tindahan sa Calobcob, Naic at umalis ito bandang alas-10:00 ng gabi upang magtungo sa kanilang farm sa Banaba Cerca, Indang, Cavite.
Inaalam din kung may kaugnayan sa kanyang pagiging negosyante ang motibo sa pagpatay.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV para sa posibleng kinaroroonan ng suspek. MARGIE BAUTISTA