Bulacan – Arestado ng mga awtoridad ang lalaking 42 anyos na umano’y paulit-ulit gumahasa sa kanyang anak-anakan sa bayan ng Hagonoy.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas “Emo”, fishpond caretaker sa Pampanga, residente ng Purok 1, Brgy.Sta Cruz at kabilang sa Municipal Most Wanted No.10.
Sa report, naaresto ang wanted na matagal nagtago sa batas nang silbihan ng WOA ng Hagonoy police tracker team bandang 1:50 ng hapon nitong Abril 7 sa Brgy. Sta Cruz.
Nabatid na pinosasan ng mga pulis ang wanted sa kasagsagan ng selebrasyon ng kanyang kaarawan nang umuwi ito sa kanilang bahay.
Ang WOA sa kasong rape ay inisyu ng Presiding Judge, Regional Trial Court of Malolos Bulacan Branch 4 noong Setyembre 27, 2022 na walang inirekomendang piyansa.
Sinasabing paulit-ulit ginagahasa at pinagbantaang papatayin ang biktimang itinago sa pangalang Ann sa edad niyang 12 kapag wala ang kanyang ina sa bahay.
Humihimas na ng rehas ang wanted habang nasa custodial facility para sa documentation at proper disposition. Dick Mirasol III