MANILA, Philippines – Pinakawalan na si Neri Naig mula sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Miyerkules ng gabi, Disyembre 4, matapos na ipag-utos ng korte sa Pasay ang agad na pagpapalaya nito.
Kinumpirma ni BJMP spokesperson Insp. Jayrex Joseph Bustinera ang pagpapalaya kay Naig.
Kamakailan ay sinabi ni Bustinera na inisyu ang order release kay Naig ng Regional Trial Court Branch 112 sa Pasay City, matapos na payagan ang motion to quash nito.
Matatandaan na naaresto si Naig noong Nobyembre 23 at na-detain sa Pasay City Jail female dormitory dahil sa mga reklamo ng estafa na nag-ugat sa kanyang pag-endorso sa isang dermatological company Dermacare.
Inakusahan din siya ng paglabag sa Securities Regulation Code, kung saan sinabi ng Securities and Exchange Commission (SEC) na hinikayat ni Naig ang mga investor sa kompanya na wala namang lisensya para gawin ito.
Na-reschedule sa Enero 9, 2025 ang arraignment ni Naig matapos na maghain ng motion to quash ang kampo nito.
Bukod kay Naig, may warrant of arrest din dahil sa securities violation ang kapwa endorser nitong si Rufa Mae Quinto. RNT/JGC