MANILA, Philippines – Maghahain ng panibagong diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China sa pinakabagong panggigipit nito sa Bajo de Masinloc at Escoda Shoal sa West Philippine Sea.
“Will be submitting our protest,” sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo nitong Huwebes, Disyembre 5.
“It’s very clear, I mean we were within our legal rights. Certainly, we don’t understand why China again is repeating these actions which are clearly illegal,” dagdag pa niya.
Nitong Miyerkules, binomba ng tubig gamit ang water cannon ng China Coast Guard ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa ng maritime patrol sa bisinidad ng Bajo de Masinloc.
Bukod sa pambobomba ng water cannon, binangga rin ng CCG 3302 ang barko ng BFAR na BRP Datu Pagbuaya (MMOV 3003) bandang 6:30 ng umaga.
Hindi pa nakuntento ay muling binomba ng water cannon ng China ang barko ng Pilipinas.
Sinabi ng Chinese Embassy sa Manila na sinubukan kasing pumasok ng mga barko ng Pilipinas sa territorial waters ng China.
Matatandaan na noong weekend din ay nagsagawa ang CCG ng mapanganib na maniobra laban sa mga barko ng PCG sa bisinidad ng Escoda Shoal kung saan ang mga barko ng Pilipinas na BRP Cape Engaño at BRP Melchora Aquino ay patungo sana sa Rozul Reef para asistehan ang mga mangingisdang Pinoy na nauna nang hinarass ng CCG. RNT/JGC