Home NATIONWIDE New Zealand Deputy PM bibisita sa Pinas

New Zealand Deputy PM bibisita sa Pinas

MANILA, Philippines- Nakatakdang bumisita si New Zealand Deputy Prime Minister and Foreign Affairs Minister Rt. Hon.  Winston Peters sa Pilipinas ngayong linggo upang talakayin ang pagpapalakas ng bilateral relations at pagpapaigting ng kooperasyon sa iba’t ibang usapin.

Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatakdang makipagpulong si Peters kay Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo. Gayundin, sasaksihan ni Peters ng paglagda ng kasunduan sa pagitan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at ng New Zealand Enterprise sa Ease of Doing Business.

“The discussions will focus on strengthening bilateral relations, exploring opportunities to deepen existing cooperation on defense, economy, renewable energy, and people-to-people linkages, among others,” pahayag ng DFA.

Susundan ang pagbisita ng opisyal ng ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatic relations sa pagitan ng dalawang bansa sa Hulyo 2026.

Nagtungo si New Zealand Prime Minister Christopher Luxon sa Pilipinas noong Abril at nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand  “Bongbong” Marcos Jr., kung saan sinisilip ng dalawang bansa ang pagbusisi sa umiiral na bilateral migrant worker arrangements para sa recruitment ng overseas Filipino workers (OFWs).

Tinalakay din ni Luxon ang posibleng investment opportunities sa mga sektor tulad ng dairy, meat, wood, a technology sa Philippine private sector. RNT/SA