Home NATIONWIDE Manibela: 3-day transport strike tuloy

Manibela: 3-day transport strike tuloy

MANILA, Philippines- Iginiit ng transport group na Manibela na aarangkada ang plano nitong three-day transport strike bilang pagtutol sa paghuli sa unconsolidated public utility vehicles.

“Halos ‘yung buong NCR po ang maapektuhan at kasado na ito bukas,” pahayag ni Mar Valbuela ng Manibela sa isang panayam.

Plantsado na umano ang kilos-protesta na gugulong hanggang Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.

“Yung protesta natin, walang harangan (ng ibang driver), walang pilitan. ‘Yung mga kusa lamang, Hindi dapat maapektuhan ang papasada ng iba,” patuloy niya.

Inihihirit nila sa pamahalaan na palawigin ng isang taon ang deadline para sa Public Utility Vehicle Modernization Program upang makatalima ang mga miyembro sa modernisasyon nang hindi kinakailangan ng mga kooperatiba.

“Parang balewala kasi tayo sa programa. Tayo gusto rin natin ng modernization, pero yung mga kahilingan atin hindi naman po halos mapagbigyan… paulit ulit na iniignore lang tayo,” giit ni Valbuena.

“‘Yung napagusapan sana ma-extend ayo ng isang taon at maipakita atin ‘yung (ginagawa naming) prototype. Na maipakita natin na kayang sumunod sa programa kahit hindi magconsolidate o pumasok sa kooperatiba.”

Inihayag din ni Valbuena na karamihan sa mga miyembro ay ayaw makibahagi sa konsolidasyon matapos masaksihan ang pagkalugi ng ilang kooperatiba.

“Gusto lang talagang makapaghanapbuhay na sarili lang nila ang prangkisa at hindi kami hawak sa leeg ng mga kooperatiba. Marami na pong precedent nito na nalugi na, nawala na sa hanapbuhay, gagaya pa ba tayo doon?” tanong niya.

“Maraming pong lumapit sa amin na tumugon sa modernization program. ‘Yun nga lang talagang bumili na lang uli ng mga traditional jeepney dahil nalugi ang mga koopertiba na sinalihan nila.”

Binatikos din nito ang Department of Transportation (DOTr) para sa umano’y “total disregard” nito sa kapakanan ng mga mananakay.

“Ang sinasasabi ng DOTR hindi naman daw apektado ng mananakay… e hindi naman sila nagcocommute, hindi naman sila nahihirapang maistranded lalot kung sakaling uulan,” ani Valbuena.

“Ang sinabi nila sanay na daw ang taong bayan… Bale wala sa kanila ng taongbayan.” RNT/SA