MANILA, Philippines – ISANG bagong mukha ng Valenzuela City Emergency Hospital (VCEH) ang lumantad para sa mga taga- Lungsod ng Valenzuela matapos itong buksan makaraan ang mahabang renovation sa pasilidad nito.
Alinsunod sa mga plano na i-redevelop ang emergency hospital na higit isang dekada nang nakatayo, naglaan ang lungsod ng kabuuang halaga na P70,995,764.18 na gagamitin upang mapabuti ang mga pasilidad at kagamitan ng 3-palapag na ospital na may kapasidad na 50 kama.
Ang mga gawaing pagsasaayos ay sumaklaw sa kabuuang sahig na may sukat na 3,320 metro kuwadrado, na kinabibilangan ng pangunahing lobby, mga medical ward, laboratoryo, parmasya, silid-X-ray, mga isolation ward, quarters ng mga doktor, at opisina ng administrasyon.
Ang bagong anyo at pinahusay na VCEH ay mayroon na ngayong operational na hemodialysis center sa pakikipagtulungan sa AC Health.
Ang pasilidad ay may 12 hemodialysis machine at mga upuan.
Bukod dito, sakop ng PhilHealth ang hanggang 156 sesyon kada taon, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P6,000 bawat isa upang matulungan ang mga pasyente sa pagdadala ng malaking pasanin sa pinansyal.
Habang ang labis na gastos ay sasagutin ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program.
Mayroon ding multi-level parking building sa tabi nito na dinisenyo upang makapag-accommodate ng mas maraming sasakyan na nagdadala ng mga pasyente lalo na ang mga sasakyang pampamahalaan tulad ng ambulansya.







