Home NATIONWIDE Unang kaso ng mpox sa Caraga naitala

Unang kaso ng mpox sa Caraga naitala

MANILA, Philippines – Iniulat ng Provincial Office ng Agusan del Sur (PHO-ADS) ang unang kumpirmadong kaso ng Mpox sa lalawigan na minarkahan ang unang kaso sa buong rehiyon ng Caraga.

Sa isang public health advisory na inilabas noong Miyerkules ng hapon, inihayag ni Dr. Jacqueline Frances Momville, ang provincial health officer na ang pasyente ay bumiyahe kamakailan sa Davao City.

Sa pagbabalik, ang indibidwal ay nagkaroon ng tulad ng tagyawat sa kanyang mukha na nag-udyok na magpatingin sa doktor.

Agad na na-isolate ang pasyente sa local hospital para sa close monitoring at symtomatic treatment.

Nakumpirma ang sakit sa isinagawang specimen analysis sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Inilagay na rin sa quarantine ang close contact ng pasyente at mahigpit na inoobserbahan.

Tiniyak naman sa publiko ni Momville sa huling abiso na wala sa mga close contacts ang nagpakita ng anumang sintomas o senyales ng virus.

Itinuturing na unang kumpirmadong kaso ng mpox sa Caraga region ang kaso na kinumpirma ng Department of Health regional office (DOH-13). Jocelyn Tabangcura-Domenden