Home METRO NFA office, convenience store sinalakay ng mga kawatan!

NFA office, convenience store sinalakay ng mga kawatan!

MABALACAT CITY, Pampanga- Tatlong kalalakihang armado ng handguns ang nanghimasok sa National Food Authority (NFA) Pampanga office sa City of San Fernando nitong Huwebes, at tinangay ang hindi natukoy na halaga ng pera.

Iniulat ng mga pulis nitong Biyernes na tinutukan ng baril ng mga armadong kalalakihan ang security guard, kinuha ang kanyang service firearm, at itinali ito gamit ang sintas ng kanyang sapatos upang nakawan ang NFA provincial office sa Sindalan village sa pagitan ng ala-1:40 at alas-3:30 ng madaling araw.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, pumasok ang mga kawatan sa gusali sa pamamagitan ng pinto sa likod na hindi nakakandado.

Pwersahang binuksan ng tatlo ang tatlong vaults sa loob ng storage room at kinuha ang pera.

Pagsapit ng alas-4 ng madaling araw, ninakawan din ng dalawang armadong kalalakihan ang 7-Eleven convenience store sa Del Rosario village, matatagpuan din sa capital city.

Base sa police reportĀ  tinutukan ng baril ng mga magnanakaw ang security guard at kinuha ang kanyang service firearm. Tinali ang guard at isang customer at dinala ang mga ito sa storage room.

Pwersahang binuksan ng mga magnanakaw ang isang vault at tinangay ang hindi natukoy na halaga ng pera.

Nagsasagawa na ang mga pulis ng follow-up investigation, kabilang ang pagbusisi sa closed-circuit television camera footage ng mga establisimiyento malapit sa NFA at convenience store. RNT/SA