Home NATIONWIDE NGCP pinagpapaliwanag ni Hontiveros sa P8.7B gastusin sa janitorial services

NGCP pinagpapaliwanag ni Hontiveros sa P8.7B gastusin sa janitorial services

MANILA, Philippines- Pinagpapaliwanag ni Senador Risa Hontiveros ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ginastos ang P8.7-billion para sa janitorial services sa loob ng hindi malamang panahon.

“’Yung talagang lumundag sa papel, billions of pesos para sa janitorial services…Marami bang dumi sa NGCP? Ganun kamahal kailangang gastusin sa janitorial services, samantalang super delayed ‘yung mga proyektong dapat isinasagawa nila sa grid ayon sa kanilang prangkisa,” ayon kay Hontiveros sa press conference.

“Super mahal pa rin at hindi 100 percent ang access ng mga FIlipino consumers at pamilya sa kuryente. Standing ‘yung paghingi ko ng pormal na pagpapaliwanag ng NGCP. Ba’t ganyan kamahal ang janitorial services nila,” dagdag niya.

Unang ipinalutang ni Hontiveros ang isyu sa ginanap na pagdinig ng Senate finance committee sa panukalang budget ng Department of Energy, Energy Regulatory Commission at iba pang energy-related government agencies.

“Gusto ko rin sanang malaman kung bakit isa sa napakalaking expense item ng NGCP ay ang P8.7 billion para sa security and janitorial services. Napakalaki po, major expense item sa financial statement ng corporation, kasunod lang sa repairs and maintenance,” ayon kay Hontiveros sa pagdinig nitong Biyernes.

“Bakit consumer ang dapat kumarga nito sa pamamagitan ng transmission charge?” giit nya.

Isang public facility ang NGCP ngunit pag-aari ng pribadong kompanya na may obligasyon na ipaalam sa Kongreso ang kanilang gastusin dahil tanging Lehislatibo ang nagbibigay ng kanilang prangkisa. Ernie Reyes