Home OPINION NGU, OLAIVAR: SINUNGALING SI BERNARDO!

NGU, OLAIVAR: SINUNGALING SI BERNARDO!

270
0

SA Senate Blue Ribbon Committee hearing nitong Lunes, itinanggi ni tech executive Maynard Ngu ang paratang ni ex-Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo na tumanggap siya ng P160 milyon at P280 milyon mula sa flood control projects.

Kaya naman nagsampa ng kaso si Ngu laban sa mga kasinungalingan ni Bernardo.

Maging si dating Department of Education Undersecretary Trygve Olaivar ay pinabubulaanan ang akusasyon sa kanya ni Bernardo. Si Olaivar ay inakusahan ni Bernardo na humingi ng 15% kickback mula sa iba’t ibang DPWH projects na nagkakahalagang P2.85 bilyon at para raw ito kay “ES”.

Sina Ngu at Olaivar ay parehong nagsasabi na isang sinungaling na tao si Bernardo. Sa puntong ito, mahalagang ibalik ang usapin sa tamang konteksto, lalo’t ang pinanggagalingan ng mga akusasyon ay mula sa isang testigong hindi ‘credible’.

Ang mga naririnig ng publiko sa Senate Blue Ribbon hearings ay mga alegasyon pa lamang, wala pang findings, wala pang ruling, at lalong wala pang conviction.

Ang Senate hearings ay fact-finding in nature. Hindi korte at hindi lugar para maglabas ng hatol. Sa isang bansa na may Saligang Batas, may “presumption of innocence” ang bawat isa, kahit pa gaano kabigat ang paratang.

Hindi dapat kalimutan na ang alegasyon ay hindi ebidensya, at lalong hindi nagiging ebidensya kung ang alegasyon ay walang malinaw na basehan o mula sa kagaya ni Bernardo.

Hindi porke sinabi ni Bernardo ay awtomatikong totoo na. Mahalaga ang “due process” at ebidensya. Hindi tama ang ‘trial by publicity’ na hinuhusgahan agad ang mga tao sa social media at komentaryo bago pa matapos ang imbestigasyon.

Ang layon ng Senate investigations ay palitawin ang katotohanan, hindi sirain ang reputasyon ng sinoman.

Kung susuriin, maraming butas ang mga alegasyon ni Bernardo. Iisa ang pinanggagalingan at walang malinaw na ‘paper trail’ na inilalantad sa publiko. Maraming pangalan ang nabanggit, pero kulang sa supporting documents.

Sa lawak at komplikasyon ng flood control corruption, masyadong oversimplified na ituro ang daliri sa iilang indibidwal na para bang sila lang ang sentro ng lahat.

Hindi indikasyon ng kasalanan ang pagdalo nina Ngu at Olaivar sa hearing. Sa halip, pagkakataon ito para sagutin ang mga tanong, itanggi ang walang basehang mga akusasyon, magpaliwanag, at ipakita ang sariling panig under oath. Ito ay transparency, hindi pagtatago.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here