PASAY CITY — Arestado ang 28-anyos na Nigerian student na kilala lamang bilang Chim matapos ireklamo ng 29-anyos na Filipina na si Mae sa umano’y sexual assault noong Enero 6.
Ayon kay Pasay City Police chief Col. Joselito De Sesto, nahuli ang suspek sa kanyang condominium unit sa Pasay.
Umusbong umano ang insidente mula sa mainit na pagtatalo matapos akusahan ni Chim si Mae ng pagnanakaw ng kanyang dalawang gintong singsing at pagtatago ng mga ito sa pribadong bahagi ng katawan ng biktima.
Ayon sa biktima, pinilit siya ni Chim na hubarin at ipinasok ang daliri sa kanyang pribadong bahagi upang hanapin ang nawawalang singsing.
Humingi si Mae ng tulong sa security ng condominium, at parehong dinala sa Pasay City Police Substation 10 sa SM Mall of Asia upang maghain ng reklamo.
Inirefer ang kaso sa Women and Children Protection Desk, at kakaharapin ni Chim ang kaso sa paglabag sa Anti-Rape Law. RNT