Home NATIONWIDE Pista ng Itim na Nazareno, sumasalamin sa matibay na pananampalataya ng Pinoy...

Pista ng Itim na Nazareno, sumasalamin sa matibay na pananampalataya ng Pinoy – VP Sara

198
0

MANILA, Philippines  — Hinikayat ni Vice President Sara Duterte ang mga Pilipino nitong Biyernes na humugot ng lakas mula sa pananampalataya, sakripisyo, at pagpapakumbaba habang ginugunita ang Pista ng Itim na Nazareno.

Sa isang pahayag na inilabas noong Enero 9, sinabi ni Duterte na ang debosyon ay sumasalamin sa matibay na pananampalataya ng mga Pilipino, lalo na sa gitna ng hirap at pagsubok.

“Sa pagdiriwang natin ng kapistahan ng Black Nazarene, muling binibigyang-diin ang ating matibay na pananampalataya bilang mga Pilipino,” ani niya.

Binanggit niya ang simbolismo ng pagdurusa ni Kristo, na nagpapaalala sa mga deboto ng “walang kapantay na pag-ibig, sakripisyo, at pagpapakumbaba ni Hesus para sa sangkatauhan.”

Kinilala rin niya ang pisikal at espirituwal na sakripisyo ng mga deboto sa taunang prusisyon: “Sa bawat taon, ang bawat hakbang na tinatahak ng mga deboto, sa kabila ng hirap at pagsubok, ay nagpapatibay sa ating pananampalataya.”

Inilarawan ni Duterte ang pista bilang pagkakataon para sa pagmumuni-muni, pagsisisi, at pasasalamat: “Ang Pista ng Itim na Nazareno ay hindi lamang isang selebrasyon ng nakagisnan na tradisyon, isa itong panawagan upang pagnilayan ang ating mga pagkukulang, humingi ng tawad, at magpasalamat sa lahat ng biyayang natanggap.”

Tinapos niya ang mensahe sa panawagang isabuhay ang turo ni Kristo at pagmamahal sa bayan: “Nawa’y magsilbing inspirasyon ang Itim na Nazareno upang patuloy nating isabuhay ang turo ng pag-ibig at pagtitiwala sa plano ng Diyos. Mahalin natin ang Pilipinas—para sa Diyos, sa bayan, at sa bawat pamilyang Pilipino.” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here