MANILA, Philippines – Nagpasya ang Korte Suprema na ang mga hindi berbal na kilos, basta’t napatunayang may layuning gumawa ng krimen, ay maituturing na krimen sa ilalim ng batas.
Nilinaw ng mataas na hukuman ang paglabag sa grave threats sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC) sa desisyon ng Third Division noong Nobyembre 19, 2025, na inilabas nitong Biyernes.
Pinawalang-sala ng Korte Suprema si Belgian architect Gregory Israel sa kasong grave threats kaugnay ng mga kilos na ginawa niya laban sa dating mga kasosyo sa negosyo na sina Christine Navez at Olivier Denonville, matapos silang magtalo sa isang proyekto.
Ang insidente ay nangyari noong 2017 sa isang road altercation o away sa kalsada nang bumangga ang motorsiklo ni Israel sa sasakyan ng kanyang kasosyo.
Ngunit ayon sa Korte Suprema, ang mga banta na walang “persistence” o paulit-ulit na layunin ay hindi maituturing na grave threats sa ilalim ng Article 282 ng RPC.
Dahil dito, napatunayan ng hukuman na nabigo ang prosekusyon na patunayan nang lampas sa makatwirang pagdududa ang ‘mens rea’ (kriminal na layunin o malisya) sa kaso laban kay Israel.
Binawi ng desisyon ng Korte Suprema ang hatol ng Court of Appeals noong 2021 at ng Tagbilaran City RTC noong 2019, at sinabing hindi lubos na naintindihan ng mga mas mababang hukuman ang konteksto ng mga kilos ni Israel, kabilang ang mga pangyayari bago, habang, at pagkatapos ng insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden