MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang indibidwal sa Tondo, Maynila dahil sa umano’y pagbebenta ng P300,000 halaga ng isang unregistered na brand ng tirzepatide, isang gamot pampapayat.
Ayon sa NBI, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga ahente ng kanilang Dangerous Drugs Division noong Miyerkules, Mayo 13, matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y pagbebenta at distribusyon ng tirzepatide.
Sinabi ng NBI na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ang brand ng tirzepatide na ibinebenta ng mga suspek.
Sa isinagawang online surveillance, natuklasan ng mga ahente na may ilang social media pages na nag-aalok ng nasabing unregistered na gamot.
Nagpanggap na kliyente ang mga undercover agent at bumili ng gamot sa pamamagitan ng test-buy mula sa isang Facebook account.
Mahaharap ang dalawang inaresto sa mga kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009, Cybercrime Prevention Act of 2012, at Consumer Act of the Philippines. Jocelyn Tabangcura-Domenden