Home NATIONWIDE PBBM planong magtatag ng 349 specialty centers bago matapos termino

PBBM planong magtatag ng 349 specialty centers bago matapos termino

56
0

MANILA, Philippines – INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang plano nitong magtatag ng 349 specialty centers bago pa matapos ang kanyang termino sa 2028.

“We are targeting 349 specialty centers by the time I leave office in 2028,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isinagawang pagpapasinaya sa Brain and Spine Center of the Cagayan Valley Medical Center (VCMC) sa Tuguegarao City, Cagayan.

Ikinalungkot kasi ng Pangulo ang limitadong specialty centers sa mga ospital sa bansa.

Ang kakapusan aniya sa specialized health services ang nagpapahirap sa mga pasyente na nangangailangan ng agarang medical attention.

Sinabi pa nito na dahil sa Covid-19 pandemic, nalantad ang pangangailangan para sa mas maraming specialty centers.

“Ito yung polisiya na tinaguyod natin nung ako ay umupo bilang Pangulo dahil hindi ko makalimutan yung kahirapan na dinala ng buong Pilipinas, lahat ng Pilipino, lahat ng buong mundo, nung nandito ‘yung pandemic, ‘yung Covid,” ayon sa Pangulo.

Inalala naman ni Pangulong Marcos na maraming pasyente ang nabigong makarating ng ospital noong panahon ng pandemiya, habang ang iba naman ay hindi magawang i-accommodate dahil overcrowded na ang mga kalapit-ospital.

Winika pa ng Pangulo na ang pinakamahalagang leksyon mula sa karanasan ng Covid-19 ay ang mahalagang papel ng specialty hospitals sa paghahatid ng napapanahon at life-saving healthcare services.

“At ang marami tayong nakikita ng mga kaso na hindi na umabot sa ospital. At dahil walang specialty hospital na kagaya nito, walang malaking ospital, at kung meron mga ospital na malapit, puno na. At meron mga namatay na kung may ospital lang sana ay baka nabuhay pa,” aniya pa rin.

Sa ilalim ng Republic Act 11959 o Regional Specialty Centers Act na tinintahan ni Pangulong Marcos noong Agosto 24, 2024, ang Department of Health ay hinirang na magtatag ng specialty centers sa mga ospital nito sa bawat rehiyon at sa state-controlled specialty hospitals.

Layon ng batas na pasiglahin at palakasin ang health services sa pamamagitan ng pagbibigay ng cancer care, cardiovascular care, lung care, renal care at kidney transplant, brain at spine care, trauma care, at burn care. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here