OPISYAL nang inanunsyo ni Gabe Norwood ng Rain or Shine Elasto Painters na tuluyan na siyang magreretiro pagkatapos ng PBA Season 50 Philippine Cup.
Ayon sa beteranong forward, matibay na ang kanyang pasya matapos ang halos dalawang dekadang paglalaro sa liga, kahit umaasa si Coach Yeng Guiao na magbago pa ang isip nito.
“Wala nang atrasan, gusto ko lang i-enjoy ang nalalabi kong panahon sa PBA,” pahayag ni Norwood, na unang naglaro sa liga noong 2008 bilang Fil-Am mula sa George Mason University.
Aminado si Norwood na dapat sana ay nagretiro na siya noong nakaraang season, ngunit pinili niyang subukan muli ang All-Filipino Cup upang makamit ang titulo na hindi pa niya nakukuha sa kanyang karera.
May dalawang kampeonato na si Norwood sa PBA, ngunit wala pa sa Philippine Cup, kaya’t nais niyang tapusin ang karera nang mataas at may dangal.
“I’ll cherish every game and leave on a high note,” dagdag pa ng 40-anyos na beterano.GP