MANILA, Philippines – Hindi na naman nagpasok ng plea si Arnolfo “Arnie” Teves Jr., dating mambabatas ng Negros Oriental, kaya isang hukuman sa Quezon City ang nagpasok ng not guilty plea sa kaniyang kaso ng paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.
Muli niyang ginamit ang karapatan na manahimik. Itinakda naman ang pre-trial sa Agosto.
Hindi rin siya nagpasok ng plea sa kaniyang mga kasong ilegal na pagmamay-ari ng armas, eksplosibo, at kasong pagpatay kaugnay sa pagkamatay ng yumaong Gobernador ng Negros Oriental na si Roel Degamo.
Noong Agosto 2023, idineklarang terorista si Teves at 12 iba pa ng Anti-Terrorism Council dahil sa umano’y pagpatay at pananakot sa Negros Oriental. RNT