Home NATIONWIDE ‘Notice to remove’ campaign materials ipadadala ng Comelec sa mga pasaway na...

‘Notice to remove’ campaign materials ipadadala ng Comelec sa mga pasaway na kandidato

MANILA, Philippines – Padadalhan na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato ng ‘notice to remove’ para alisin ang kanilang campaign materials na nakalagay sa mga bawal na lugar.

Ilang araw bago ang campaign period ay nag-ikot si Comelec Chairman George Garcia sa Maynila kung saan maraming mga campaign materials ang namataan sa ilang lugar sa lungsod.

Gayunman, nagkalat pa rin ang mga campaign materials sa bahagi ng Honorio Lopez Boulevard at iba pang lugar na una nang nilinis ng komisyon.

Dahil dito, sinabi ni Special Asst to the Chairman, Atty Frances Aguindadao-Arabe, ipinag-utos na ng Comelec na maisyuhan ang mga kandidato ng notice to remove campaign materials

Ayon pa kay Arabe, pinuno ng TF Oplan Baklas, kung hindi tutugon ang mga kandidato ay saka sila kukunan ng sinumpaang salaysay at iisyuhan ng show cause order.

Ito ay para sa dalawang hiwalay na tugon ng komisyon kung walang gagawin ang mga kandidato sa mga paglabag sa patakaran sa pangangampanya.

Una nang nagbanta ang Comelec na handa nilang aksyunan ang mga paglabag ng mga kandidato kahit umabot pa ito sa pagsusulong ng kanilang diskuwalipikasyon. Jocelyn Tabangcura-Domemden