Home METRO Notoryus na “Melor Criminal Gang” tibag na; lider ng grupo, swak sa...

Notoryus na “Melor Criminal Gang” tibag na; lider ng grupo, swak sa selda

MANILA, Philippines – TIBAG na ang itinuturing na talamak na grupo ng “Melor Criminal Gang” na responsable sa ilang serye ng robbery sa ibat ibang lugar sa Valenzuela City matapos maaresto ang lider at mga kasapi nito, napaulat kahapon, Nobyembre 20.

Sa report na ipinarating ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, alas-3:15 ng madaling araw nang maaresto ng kanyang mga tauhan ang lider ng criminal group. na si alyas “Melor”, 32, call center agent, sa harap ng Fiesta Mall Compound, Brgy. Maraouy, Lipa City Batangas.

Si Melor ay inaresto matapos ihain ang warrant of arrest na ipinalabas ni Presiding Judge Nancy Rivas Palmones ng Regional Trial Court (RTC) Branch 172 ng Valenzuela City noong Hunyo 14, 2013, para sa kasong Robbery.

Walang piyansang inirekomenda ang korte laban kay Melor.

Kasunod nito, naaresto rin ang isa pang miyembro ng grupo na si alyas “Malaga”, sa Bagong Filipino Compound, Brgy., Canumay West sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng RTC Branch 12 ng Malolos Bulacan para sa kasong Robbery noong Hunyo 6, 2024, na may inirekomendang piyansang P100.000.

Matatandaan na nauna nang naaresto ang tatlong miyembro ng grupo noong nakaraang September at October 2024 na sina alyas “Apit”, alyas “Balog”, at alyas “Atoy”, na pawang may mga kasong ‘theft’.

Napag-alaman na ang nasabing grupo umano ang responsable sa ilang serye ng nakawan sa iba’t ibang lugar kabilang ang Malolos, Bulacan, Quezon City, at Valenzuela.

Sila rin ang itinuturong mga suspek sa panloloob at nakawan sa isang remittance establishment sa Brgy. Canumay West at sa ‘robbery/ snatching incident’ noong nakaraang Oktubre 14, 2024 sa Fortune 5, Brgy. Paso De Blas.

Nabatid na modus ng grupo na i-surveillance muna ang target na establisyimento o bahay bago isagawa ang pagnanakaw.

Samantala isa pang natitirang miyembro ng nasabing grupo na nakilala sa alyas na “Adan” ang pinaghahanap pa dahil rin sa kasong robbery. Merly Duero