LEGAZPI CITY — Napatay sa engkwentro sa Camalig, Albay ang isang umano’y mataas na lider ng New People’s Army (NPA) na iniuugnay ng militar sa pagpatay sa dalawang sundalong nagsasagawa ng rescue operations noong 2023.
Ayon sa 9th Infantry Division (9ID), nakasagupa ng mga tauhan ng 31st Infantry Battalion at Philippine National Police ang tinatayang limang NPA members sa Barangay Magogon noong Lunes ng gabi, Agosto 31. Tumagal umano nang halos 10 minuto ang palitan ng putok.
Kinilala ng militar ang napatay sa mga alyas na “Jerry,” “Josam,” “Floyd” at “Maeng,” at sinabing mahigit tatlong dekada na itong miyembro ng NPA at humawak ng ilang leadership positions sa Bicol Region.
Matapos ang sagupaan, natagpuan umano ang kanyang bangkay sa encounter site habang nakatakas ang kanyang mga kasamahan. Narekober din ng mga awtoridad ang isang Glock 17 9mm pistol, mga dokumento at personal na gamit.
Sinabi ni 9ID spokesperson Maj. Frank Roldan na ang napatay na rebelde ay itinuturing ding pangunahing suspek sa pagpatay sa dalawang sundalo sa Barangay Cotmon, Camalig noong Pebrero 2023.
Ayon sa militar, nagsasagawa noon ng rescue operations ang dalawang sundalo at bumibili ng supplies nang mapatay.
Iniulat din ng 9ID na nahaharap umano ang napatay na NPA leader sa ilang kasong kriminal, kabilang ang murder, attempted murder at robbery with homicide.
Patuloy naman ang security at clearing operations sa lugar habang muling nanawagan ang 9ID sa mga natitirang miyembro ng NPA na sumuko at samantalahin ang reintegration programs ng pamahalaan. Mary Anne Sapico