MANILA, Philippines — Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang presensya at pagpapatrolya ng mga pulis sa mga matataong lugar kasabay ng pagsisimula ng “ber” months at papalapit na holiday season.
Inatasan ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police unit sa buong bansa na dagdagan ang pagbabantay sa commercial establishments, transport terminals, palengke at iba pang pampublikong lugar kung saan inaasahang dadami ang mga tao.
“Our priority is to prevent crimes before they happen and ensure a safe and peaceful holiday season,” ani Nartatez sa isang pahayag.
Partikular na pinagbabantay ng PNP ang publiko laban sa pagnanakaw, robbery, scam at iba pang krimen na maaaring tumaas kasabay ng pagdami ng namimili, bumibiyahe at gumagamit ng cash ngayong mga susunod na buwan.
Pinaalalahanan din ang publiko na bantayang mabuti ang kanilang mga gamit, iwasang mag-post ng real-time location sa social media at agad ireport sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Paiigtingin din ang patrol operations sa mga lugar na itinuturing na crime-prone at sa mga komunidad na inaasahang magkakaroon ng mas maraming aktibidad ngayong holiday season.
Inatasan din ang mga police unit na makipag-ugnayan sa local government units at iba pang concerned agencies para agarang matugunan ang mga posibleng problema sa seguridad. Santi Celario