Home METRO NPA tigok sa engkwentro, 50 pamilya inilikas sa NegOcc

NPA tigok sa engkwentro, 50 pamilya inilikas sa NegOcc

NEGROS ORIENTAL- Patay ang isang pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army (NPA) matapos makasagupa ang tropa ng pamahalaan habang inilikas ang 50 pamilya, iniulat kahapon sa lungsod ng Guihulngan City.

Kinilala ni Lt. Col. Evelio Ilanga, commander ng Army 62nd Infantry Battalion, ang nasawi na si Tony Pahayay, na kilala rin sa mga alyas na “Aldren” at “Redol”, miyembro ng Squad 2, Sentro de Gravidad, sa ilalim ng nabuwag na larangang gerilya ng Central Negros 1 at residente ng Barangay Bulado, Pahayay.

Sa inilabas ng report ng 62nd IB, bandang alas-12:10 ng hapon noong Huwebes Mayo 1, 2025, naganap ang engkwentro sa Sitio Tubigan, Barangay Humay-humay ng nasabing lungsod.

Sinabi ni Ilanga, kinumpirma ng mga residente ang bangkay ni Pahayay, na natagpuang may hawak na armalite rifle at nakasuot ng itim na kamiseta na may sagisag ng NPA.

Narekober naman ng mga sundalo sa lugar ng pinangyarihan ng bakbakan ang isang M4 rifle, isang M16 rifle, mga bala, mga kagamitan sa pagluluto, mga personal na gamit, at mga subersibong dokumento.

Inilikas naman ang 209 indibidwal sa apat na evacuation center sa Barangay Calamba, Tacpao, Bulado, at Humay-humay.

Namigay na rin ang lokal na pamahalaan ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan sa mga lumikas na pamilya, habang patuloy na nagbabantay ang mga sundalo at tiniyak ang sitwasyon na ligtas na makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga pamilyang apektado ng sagupaan.

Dinala naman sa punerarya ang bangkay ni Pahayay Guihulngan City para sa post-mortem examination at habang sinusulat ang ulat na ito ay wala pang kaanak na pumunta para kunin ang labi nito.

Samantala, sumuko naman ang isang alyas Ronilo, 57-anyos na obrero na dating NPA , bitbit ang .22 caliber na walang bala sa mga tauhan ng 2nd Negros Occidental Police Provincial Mobile Force Company sa pulisya sa Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental noong Miyerkules, Abril 30.

Nangako si Ronilo na buo ang kanyang loob na titiwalag sa rebeldeng grupo at tutulong sa mga programa ng gobyerno laban sa mga rebeldeng grupo.

Si Ronilo ay kaanib ng Central Negros 2 (CN2)-KRNCBS at orihinal na na-recruit noong 1982 sa ngayon ay lansag na Northern Negros Front (NNF) sa San Carlos City, Negros Occidental, at kalaunan ay muling nakipag-ugnayan sa CN2 noong Pebrero 2008.

Nakahanda naman ang pamahalaan na ibigay ang tulong kay Ronilo at sa kanyang pamilya para sa pagbabagong-buhay at kapayapaan. Mary Anne Sapico