MANILA, Philippines – Hinimok ng National Press Club (NPC) of the Philippines ang lahat ng media practitioners na maging mas mapagbantay kasunod ng pagkamatay ng radio broadcaster na si Noel Bellen Samar noong Martes.
Sinalakay si Samar habang sakay ng kanyang motorsiklo nitong Lunes ng umaga sa kahabaan ng Maharlika Highway, Bgy. Morera, Guinobatan, Albay. Siya ay binawian ng buhay dahil sa apat na tama ng bala ng baril alas-2:00 ng hapon sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi City noong sumunod na araw.
“Ipinaaabot namin ang aming pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan at sa buong komunidad ng mga mamamahayag sa Bicol, dahil hinimok din namin ang mga taga-media na maging maingat sa kanilang pang-araw-araw na gawain,” pahayag ni NPC President Leonel “Boying’ Abasola.
Nanawagan din si Abasola sa lokal na pulisya na bigyang seguridad ang pamilya ni Samar.
“We call on the government, law enforcement agencies, and our fellow journalists to unite in ensuring that justice is served swiftly. Every attack on a journalist is an attack on press freedom itself,” ayon kay Abasola.
Nanawagan din si Abasola sa mga miyembro ng lokal na media na iulat sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang anumang uri ng pananakot o panliligalig na kanilang mararanasan.
Bagama’t malugod na tinatanggap ng NPC ang agarang pagtugon ng Police Regional Office 5 (PRO5), sa pangunguna ni Regional Director PBGEN Nestor C. Babagay Jr., at ng Albay Police Provincial Office, na naglunsad ng hot pursuit operation at nagtatag ng Special Investigation Task Group (SITG “Samar”) upang matiyak ang masusing pagsisiyasat sa insidente, umaasa ang organisasyon sa agarang ikakaaresto ng mga suspek.
“Ang karahasan at pananakot ay walang lugar sa isang demokratikong lipunan. Ang mga mamamahayag, bilang Fourth Estate, ay dapat pahintulutang gampanan ang kanilang mga tungkulin nang malaya, ligtas, at walang takot,” ani Abasola. JAY Reyes