Home NATIONWIDE NPC NAALARMA SA AKUSASYON NI CAYETANO SA 10 RADIO STATIONS

NPC NAALARMA SA AKUSASYON NI CAYETANO SA 10 RADIO STATIONS

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkaalarma ang National Press Club (NPC) of the Philippines sa pahayag kamakailan ni Senador Alan Peter Cayetano na may 10 istasyon ng radyo na nagsasagawa ng “scripted interviews”.

Hiniling ng pangulo ng NPC na si Leonel Abasola sa mambabatas na linawin ang nasabing pahayag nito na nakaaapekto sa kredibilidad ng mainstream media.

“I urge the veteran Senator to identify and prove his allegation. Shotgun statements might destroy reputations of respectable media practitioners who are not even privy of their argument,” pahayag ni Abasola na matagal nang nagko-cover sa Senate beat.

Nag-ugat ang isyu sa mainit na argumento nina Cayetano at Senator Nancy Binay noong Hulyo 3 sa pagdinig ng Senate committee on accounts, na pinamumunuan ni Cayetano, sa mga isyung kumukulapol sa bagong gusali ng Senado.

Si Binay ay dating chairperson ng nasabing komite ngunit nagbitiw pagkatapos ng pagbabago ng liderato ng Senado.

Sa pagdinig, iginiit ni Cayetano na posibleng nagpadala ang kampo ni Binay ng “advance questions” dahil ang ilan sa mga istasyon ng radyo ay may pare-parehong katanungan. Nagresulta ito sa pag-walk out ni Binay sa pagdinig at itinanggi makaraan ang mga alegasyon ni Cayetano.

Sinabi rin ni Abasola na ito ang unang pagkakataon na narinig niya ang isang kagalang-galang na mambabatas na tinawag ang isang babaeng kasama sa Senado na “buang” (baliw) at “Marites” (tagapagpakalat ng tsismis) sa isang pampublikong pagdinig. Ani Abasola, ang inugali ni Cayetano ay hindi asal ng isang maginoo.

Ang nangyari sa nasabing pagdinig ng komite, ani pa ni Abasola, ay isang pag-uugali na hindi nararapat para sa isang statesman tulad ni Cayetano.

“He could’ve called for a temporary suspension of the hearing to diffuse the tension,” sabi ni Abasola, na hosts din ng weekly radio program sa state-ran Radyo Pilipinas.

“Patungkol naman po sa media, dapat po i-identify niya kasi marami rin sa mga Senate media ay may kanya-kanyang programa sa radyo,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Abasola na natural lamang na may mga pagkakataong ang mga mamamahayag ay magtatanong ng parehong mga katanungan sa “mainit na isyu” na kinasasangkutan ng pampublikong pondo.

Bagama’t nag-isyu na si Cayetano ng paumanhin sa mga mamamahayag na nagko-cover sa Senate beat, iginiit ni Abasola na dapat patunayan ng mambabatas ang kanyang mga akusasyon at pangalanan ang mga “radio anchors” na diumano’y binayaran sa field scripted questions on air.

Hindi ito ang unang pagkakataon na inakusahan ni Cayetano ang mga mamamahayag na binayaran para mag-ulat ng hindi paborableng balita.

Noong 2019, inakusahan ng noo’y House Speaker Cayetano na nasuhulan ang mga miyembro ng media para magpakalat ng disinformation tungkol sa pagho-host ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games.

Kalaunan, binawi niya ito at sinabing ang mga hindi kilalang website lamang ang nagkakalat ng maling ulat upang “isabotahe” ang mga laro. RNT