MANILA, Philippines – TAOS-PUSONG pakikiramay ang ipinapaabot ng National Press Club of the Philippines (NPC) sa biglaang pagpanaw ng Photojournalist na si Itoh Son sa kasagsagan ng kanyang coverage ng Traslacion 2026 sa Maynila Enero 9 ng umaga.
Nais ng NPC na ipaabot ang pakikiramay sa pamilya, kaibigan, at mga kasamahan ni Itoh Son, na isang batikang photo journalist sa pahayagang Saksi, makaraang sumakabilang-buhay ito matapos makaranas ng paninikip ng dibdib at atake sa puso sa kasagsagan ng kanyang coverage sa Quirino Grandstand sa mismong araw ng Traslacion ng Itim na Nazareno.

Ayon sa kanyang mga kasamahan, nakakaramdam na ito ng hindi magandang pakiramdam habang siya ay nag-cover ng “Pahalik” sa Poong Nazareno ngunit ito ay hindi niya ininda tanda ng kanyang dedikasyon sa trabaho at debosyon sa kanyang bilang isang maniniyut o mas kilala na “photo-journalist.
Ipinakita ni Itoh Son na kahit masama ang kanyang karamdaman ay kailangan niyang gampanan ang tawag ng tungkulin na isang katunayan ng kanyang pagmamahal sa trabaho at pagnanais na maipaabot ang mga kaganapan sa publiko.
Ito ay hindi matatawarang serbisyo bilang isang photojournalist na hindi alintana ang pansariling kalusugan magampanan lamang ang kanyang tungkulin sa pinaglilingkurang pahayagan at sa publiko.







