MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Biyernes, Enero 9, na tumatakbo pa rin ang opisina ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kabila ng mahaba nitong pagliban.
Ani Sotto, si Dela Rosa ay hindi sumasagot sa kahit anong mensahe niya mula pa noong nakaraang taon.
“Wala, hindi kumo-kontak sa’kin eh. ‘Yung mga phone numbers niya sa’kin, there were, I think, about two or three times na tinext ko, wala namang reply… Sa text hindi nagrereply, tawag pa lalo,” ayon sa Senate President.
Ani Sotto, ang huling text message niya sa senador ay bago ang deliberasyon ng bicameral conference committee sa 2026 national budget, kung saan miyembro si Dela Rosa.
Hindi rin dumalo si Dela Rosa sa anumang plenary session sa Senado mula Nobyembre 11.
Nagsimulang mawala si Bato matapos na sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nag-isyu umano ng warrant of arrest laban sa dating senador kaugnay sa madugong war on drugs sa Duterte administration kung saan nagsilbi siyang hepe ng Philippine National Police (PNP).
Samantala, sinabi ni Sotto na sa kabila nito ay tumatakbo pa rin ang opisina ni Dela Rosa sa Senado.
“Marami naman kaming nakasama nung araw na ganon naman talaga eh. Hindi porket hindi pumapasok, eh hindi umaandar ang opisina mo.”
“Si Senator Bato, umaandar ang opisina niya,” dagdag pa niya.
Dagdag ng Senate president, hindi niya mapipilit na dumalo ang sinuman sa mga senador sa sesyon.
Ipinaliwanag niya na hindi rin obligado si Dela Rosa na humingi ng permiso galing sa kanya kung aalis ito ng bansa.
Aniya, ang letter of authority ay hinihingi lamang kung ang senador ay pupunta sa ibang bansa para sa official business.
“Lahat ng 23 senators, kahit na Senate President ako noon tsaka ngayon, hindi ko pinapakialaman kung papasok sila at hindi eh, so why now?”
“Mahirap naman ‘yung sitwasyon ko na ‘yun… kasi alam naman natin na umiilag siya doon sa problema ‘di ba? So ba’t ko siya pipilitin kung umiilag siya sa problema? It’s his own look out, managot siya sa mga bumoto sa kanya. Basta ginagawa ng opisina niya ang trabaho nila, then we keep the office running,” dagdag niya. RNT/JGC