Home METRO NSCR mas ligtas at mabilis kaysa PNR – DOTR

NSCR mas ligtas at mabilis kaysa PNR – DOTR

default

MANILA, Philippines – Siniguro ng Department of Transportation na ang North-South Commuter Railway (NSCR) ay magbibigay ng mas mabilis, ligtas at episyenteng transportasyon kaysa Philippine National Railways (PNR).

Ani Transportation Undersecretary for Railways Jeremy Regino, magkakaroon ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng NSCR at PNR lalo na’t ang 147-kilometer urban railway network ay magkokonekta sa Metro Manila, Pampanga at Laguna.

Mas mataas din ang riles nito katulad ng Light Rail Transit Line 1, 2, at 3.

“Ang pinagkaiba nito sa kasalukuyang PNR, elevated na po ito katulad po ng LRT Line 1, 2, and 3. Ibig po sabihin wala nang biglang tatawid sa riles, wala nang crossings ng mga sasakyan. Mas ligtas na po ang NSCR at mas mabilis na,” ani Regino sa public briefing.

Dagdag pa niya, mas mapabibilis ang biyahe dahil kayang tumakbo ng mga bagong train set ng 120 kilometro kada oras, lubhang mas mabilis sa maximum na 30 kilometro kada oras sa PNR trains.

Asahan din ng mga pasahero ang mas maiksing waiting time ng 10 hanggang 15 minuto sa NSCR.

“Ang kasalukuyang PNR, kapag peak hours, every 30 minutes ang bagong biyahe. Pag off peak hours, every one hour ang susunod na biyahe. Dito sa riles na ginagawa ngayon, sa bagong PNR, depende sa pangangailangan ng pasahero, depende po sa pasahero natin, pwede na pong every 10-15 minutes, mayroon nang babiyaheng train,” aniya.

Tampok sa mga tren ang signaling system na maglalayo sa disgrasya at kusang hihinto kung makapag-detect ng posibleng panganib.

“Isa pa po, ang bagong PNR konektado na po sa LRT Line 1, 2, and 3 pati MRT 4 and 7. Interconnected na po ang ating mga biyahe,” dagdag pa ni Regino.

Dahil dito, madali na lamang makakabiyahe ang mga estudyante at manggagawa mula Pampanga at Laguna patungong Metro Manila.

Mas magpapaluwag din ito sa metro Manila dahil mas lalakas ang ekonomiya sa mga bayan na daraanan nito.

Sa Marso 28 ay nakatakdang magtatapos na ang operasyon ng PNR para magbigay-daan sa konstruksyon ng NSCR project. Inaasahan itong matatapos hanggang 2028.

Para naman sa mga maaapektuhang pasahero sa pagsasara ng PNR ay maghahanda ang DOTR at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng mga alternatibong ruta ng bus. RNT/JGC