Home NATIONWIDE Nuestra Señora de la Consolacion y Correa, idineklara bilang Patroness ng Intramuros

Nuestra Señora de la Consolacion y Correa, idineklara bilang Patroness ng Intramuros

211
0

MANILA, Philippines – Idineklara ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang Nuestra Señora de la Consolacion y Correa bilang Patroness ng Intramuros, Maynila at pinagkalooban siya ng titulong “Queen and Patroness of the Distinguished and Ever Loyal City” .

Gaganapin ang opisyal na proklamasyon sa Setyembre 8 sa Misa Mayor bilang parangal sa Solemnity of Our Lady of Consolation and Cincture.

Ang Sangguniang Panglungsod ng Maynila na pinamunuan ni Vice Mayor John Marvin “Yul Servi” Nieto ay nagpasa ng Resolution No. 496, Series of 2024, na itinaguyod ni Konsehal Ricardo Isip sa pag-endorso ng Intramuros Administration sa pamumuno ni Atty. Joan Padilla.

Sinabi ng Sangguniang Panlungsod na ang Walled City of Manila o Intramuros ay sentro rin ng pananampalataya kung saan itinayo ang pitong simbahang Romano Katoliko noong panahon ng Kastila.

Ang pinakamatanda sa mga simbahang ito ay ang San Agustin Church na itinayo noong taong 1607 at nakaligtas sa maraming natural na sakuna, ang rebolusyong Pilipino, at ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ang La Consolacion, sabi ng Sangguniang Panlungsod, ay nagsisilbing tahimik na saksi sa pagsisimula, pag-unlad, pagkawasak at tuluyang muling pagpapaunlad ng Intramuros.

Sinabi ng Sangguniang Panlungsod na kinikilala nito ang makasaysayang, kultural, at panlipunang halaga ng daan-daang taon na debosyon ng mga tao ng Walled City of Manila sa Nuestra Señora de la Consolacion y Correa at naglalayong itanim sa mga mamamayan nito ang pagpapahalaga at pangangalaga sa mayamang kasaysayan at pamana ng kultura ng lungsod.

Kilala rin bilang Archdiocesan Shrine of Nuestra Senora de la Consolacion y Correa ang San Agustin Church. Ang Rector ng Simbahan ay si Rev. Fr. Edwin Hari, Order of Saint Augustine (OSA). (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here