Home NATIONWIDE Mga residenteng sapul ng Bataan Oil spill hinikayat ng DOJ na humingi...

Mga residenteng sapul ng Bataan Oil spill hinikayat ng DOJ na humingi ng danyos

MANILA, Philippines – Hinimok ng Department of Justice (DOJ) ang mga residente na apektado ng oil spill sa Bataan na lumapit at humingi ng kompensasyon.

Sinabi ni Justice Undersecretary Raul T. Vasquez na sa kasalukuyan ay 31,000 residente sa Cavite at 21,000 na taga-Bataan ang nasa listahan ng mga posibleng tatangap ng financial compensation.

Pinayuhan ni Vasquez ang mga residente sa Cavite at Bataan na kung apektado ng nangyaring oil spill na ay agad magtungo sa kanilang lokal na pamahalaan para maisama sa listahan.

Ang DOJ ang nangunguna sa Bataan Oil Spill Inter-Agency Investigation na nagsasagawa ng pagdinig mula noong August 2 kaugnay sa tumagas na langis sa MT Terranova, MTKR Jason Bradley at MV Mirola 1.

Mula aniya magsimula ang inter-agency hearings, sinabi ni Vasquez na nagpahayag na ng kahandaan ang mga may-ari ng MT Terranova, ang insurer nito at Oil International Oil Pollution Compensation (OIPC) na bayaran ang mga naperwisyo na residente.

Gayunman, nilinaw ni Vasquez na ang pagkakaloob ng financial compensation ay bahagi lamang ng aspetong sibil. Kasalukuyan pa nagsasagawa ng fact-finding investigation sa aspeto ng criminal at administrative liability. Teresa Tavares