Home NATIONWIDE ‘Nuisance, placeholder’ candidates sa listahan ng 2025 polls aspirants kakalusin ng Comelec

‘Nuisance, placeholder’ candidates sa listahan ng 2025 polls aspirants kakalusin ng Comelec

MANILA, Philippines- Aalisin na sa listahan ng aspirants ang lahat ng nuisance candidates at iba pang nagpapanggap na “placeholder” para sa 2025 elections, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia.

Tiniyak ni Garcia ang agarang aksyon ng Comelec en banc sa usapain matapos bumisita sa pasilidad ng Miru System Co. Ltd sa South Korea.

Ayon kay Garcia, lahat ng disqualification cases lalo na ang nuisance candidacies sa national at local elections ay ireresolba ng komisyon bago matapos ang Nobyembre ng taong ito.

Sinabi ni Garcia na ang mga kandidato na naghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) upang lituhin ang mga botante dahil sa kaparehong pangalan sa ibang aspirant  o sa mga binayaran para tumakbo ay aalisin bago maimprenta ang balota.

Binanggit ni Garcia na ang nuisance candidates ay kadalasang naglalaho matapos maghain ng kanilang COC.

Nagpahayag din si Garcia ng pag-aalala tungkol sa talamak na paggamit ng public funds sa panahon ng eleksyon na gustong pigilan ng Comelec.

Ayon sa veteran election lawyer, nagagamit ang state resources upang pondohan ang kampanya ng ilang kandidato.

Kakasuhan ng Comelec ang mga kandidato na gagamit ng government resources para sa kampanya dahil madali lamang suriin  ng komisyon kung ginamit ng mga kandidadto sa maling paraan ang mga government resources sa Statement Contribution and Expenditures (SOCE) at maaring mag-imbestiga sa mga kasong ito sa sarili nitong awtoridad.

Gayunman, binigyang-diin ni Garcia na ang mga ganitong imbestigasyon ay kadalasang nagsisimula sa mga ulat mula sa mga concerned citizen o grupo tungkol sa mga kaduda-dudang gawain.

Binanggit din ni Garcia ang pag-unlad ng dedikadong website na ipakikita ang lahat ng isinumiteng SOCE ng mga nanalo at natalong kandidato para sa pampublikong pagsisiyasat  na nagbibigay kapangyarihan sa mga mamamayan na mag-ulat ng mga maling pagsusumite nang hindi nangangailangan ng pahintulot ng Comelec.

Binanggit ni Garcia na mahigit 400 disqualification cases ang inihain noong 2023 para sa campaign overspending.

Ang mga kandidato na may maling pagdedeklara ng kanilang SOCE ay mahaharap sa reklamong perjury at election offense. Jocelyn Tabangcura-Domenden