MANILA, Philippines – Inihirit ng ilang miyembro ng National Unity Party (NUP) sa House Committee on Ethics and Privileges na isailalim muna si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa komprehensibong fitness review bago muling makabalik sa kanyang tungkuling lehislatibo.
Ang kahilingan, isinampa noong Huwebes sa pamamagitan ng kanilang abogado, ay kasunod ng 60-araw na suspensyon kay Barzaga noong Disyembre 1, 2025, matapos siyang ideklarang “guilty of disorderly behavior” ng 249 miyembro ng Kamara dahil sa mga reckless at inflammatory na post sa social media.
Ayon sa NUP, patuloy siyang naglalathala ng mga nilalaman na nakasisira sa kredibilidad ng Kamara, kabilang ang pangungutya sa yumaong Antipolo 2nd District Rep. Romeo “Romy” Acop at mga remarks na objetifying sa kababaihan.
Nilinaw ng partido na hindi layunin ng mosyon ang magpataw ng bagong parusa, kundi gamitin ang supervisory authority ng komite upang matiyak na si Barzaga ay “physically, mentally, emotionally, at behaviorally prepared” na gampanan ang tungkulin alinsunod sa House ethical standards.
Itinanggi ni Barzaga ang pagkakaroon ng seryosong kondisyon sa mental health at ipinagtanggol ang kanyang mga post, na nagsabing ititigil lamang niya ito kung ideklarang unconstitutional ang pagbibigay ng kritisismo sa gobyerno.
Umalis siya sa NUP matapos akusahan ng pagsisikap na alisin si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dati ring nagpahayag ng interes sa posisyon ng speakership. RNT