Home HOME BANNER STORY Nutrisyon ng 8M kids’ vs pagkabansot, tutugunan ng Universal Feeding Program –...

Nutrisyon ng 8M kids’ vs pagkabansot, tutugunan ng Universal Feeding Program – Bam

2
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Bam Aquino na tutugunan ng Universal Feeding Program ang pangangailangan sa nutriyon ng mahigit walong milyong bata mula Kinder hanggang Grade 3 upang maiwasan ang pagkabansot ng kabataan.

Sa pahayag, sinabi ni Aquino, pangunahing isponsor ng Senate Bill 2272 na inihain ng panukala bilang agarang aksiyon upang tugunan ang suliranin ng stunting o pagkabansot sa batang Filipino sa pamamagitan ng Universal Feeding Program.

Kasabay nito, Pinapurihan naman ni Minority Floor Leader Alan Peter Cayetano si Aquino sa pagsuporta sa naturang panukala na siyang adhikain ng mambabatas noong pang nakaraang taon.

Ayon kay Aquino, dapat nakatakd ang sponsorship ng SB 2272 na naglalayong   amyendahan ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, noong Mayo 11 ngunit naantala dahil sa mga pagbabago sa pamunuan ng Senado.

“Sa lahat ng pangyayari sa Senado sa nakaraang buwan, ang reporma na ito para sa kabataang nagugutom ang isa sa nakakapanghinayang na naantala ng ilang linggo,” wika ni Aquino sa kanyang sponsorship speech.

Ayon sa pinakahuling enrollment data mula sa Department of Education para sa School Year 2025-26, may 7,989,911 mag-aaral na naka-enroll mula Kindergarten hanggang Grade 3, na makikinabang sa 231 araw ng feeding program, na binubuo ng 201 school days at karagdagang 30 araw ng summer classes.

Sa kanyang speech, nagbabala ang senador hinggil sa krisis sa nutrisyon ng mga bata sa bansa, saka iginiit na milyun-milyong batang Pilipino na dumaranas ng malnutrisyon kaya nawawalan ng pagkakataong maabot ang kanilang buong potensyal.

“Currently, 26.7% of Filipino children under five years old are stunted. Ibig sabihin po, isa sa bawat apat na kabataan ay hindi naaabot ang kanilang tunay na potensyal. They will carry the lifelong burden of undernutrition,” giit ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Binigyang-diin ni Aquino na mahalagang matugunan ang stunting o pagkabansot upang maresolba ang krisis sa edukasyon sa bansa, dahil nahihirapang matuto at magtagumpay sa paaralan ang mga batang gutom at kulang sa nutrisyon

“Ang ating panukala ngayon ay hindi lamang isang feeding program. Ito ay reporma sa edukasyon, isang public health strategy, at isang hakbang sa pagpapaunlad ng human capital ng ating bansa,” punto ni Aquino.

Naglalaman ang panukalang batas ng tatlong pangunahing reporma na naglalayong tugunan ang mga kakulangan sa kasalukuyang sistema at palakasin ang RA 11037, na isinulong noon ni Aquino bilang sponsor at co-author noong panahon niya bilang chairperson ng Senate Committee on Education noong 2017.

“Ginagawa rin nating universal feeding para sa lahat ng batang nasa Kinder to Grade 3. Ibig sabihin po, lahat ng bata sa Kinder to Grade 3 sa public school ay makakakuha ng masustansiyang pagkain.” paliwanag ni Aquino, na nagsabing tuloy-tuloy din ang tulong sa undernourished students sa mataas na grade level sa ilalim ng National Feeding Program.

“Isa po ito sa pinakamahalagang hakbang at pinakamalaking reporma para tugunan ang krisis sa nutrisyon at sisiguraduhin po natin na tuloy-tuloy ang pag-aalaga,” dugtong pa niya.

Isinusulong din ng panukala ang isang “life-stage approach” na magbibigay ng mga interbensyong pangnutrisyon mula sa pagbubuntis hanggang high school, habang pinatitibay ang pananagutan sa pamamagitan ng malinaw na pagtukoy sa mga tungkulin ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholder.

“Sisimulan din po natin ang isang Universal Health Record (UHR). Sa pamamagitan ng tama at updated na data tungkol sa nutrisyon, mas madali rin pong matututukan at mababantayan ang paglaki ng bawat bata mula barangay hanggang sa paaralan,” sabi pa ni Aquino.

Ayon kay Aquino, makatutulong din ang panukala sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda na magsu-supply ng mga sangkap na gagamitin sa paghahanda ng mga bagong luto at masusustansyang pagkain para sa mga benepisyaryo.

Pinalalakas din ng panukala ang papel ng mga local government unit (LGU) sa pagpapatupad ng National Feeding Program sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kakayahang direktang makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) at makakuha ng bahagi ng pambansang pondo para sa mga feeding initiative sa kanilang mga komunidad. Sa ganitong paraan, mas mabilis ang paghahatid ng masusustansyang pagkain sa mga bata.

Nanawagan si Aquino sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang panukala, at iginiit na ang pamumuhunan sa nutrisyon ay makatutulong sa paghubog ng mas malusog at mas produktibong henerasyon ng mga Pilipino.

“Gaya po ng iba nating mga reporma sa edukasyon, inaasahan ko po ang inyong suporta upang masiguro na wala nang batang Pilipino ang uuwi na gutom, o mahihirapang mag-aral dahil sa kumukulong sikmura. Simulan po natin ang pag-unlad sa pinakapundasyon—isang batang busog, malusog, at handang matuto,” paliwanag niya.

Co-sponsor ng panukala sina Senate President Sherwin Gatchalian, Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri, at Senador Joel Villanueva, Kiko Pangilinan, Erwin Tulfo, at Raffy Tulfo.

Samantala,  sinabi naman ni Cayetano na lubos itong nagpapasalamat kay Aquino dahil ilang taon ang kanyang Panawagan laban sa pagkabansot na pawang hindi lamang problema sa kalusugan kundi ugat din ng krisis sa edukasyon sa bansa.

“Hindi po natin malulutas ang krisis sa edukasyon kung hindi po natin tututukan ang isa sa mga ugat nito: ang kakulangan sa nutrisyon,” wika ni Aquino sa kanyang sponsorship speech para sa proposed Expanded National Nutrition Program Act sa special session noong June 17, 2026.

Layunin ng panukala na tugunan ang malnutrition at stunting sa pamamagitan ng mga programang pangnutrisyon sa bawat yugto ng buhay ng bata, mula sa pagbubuntis ng ina hanggang high school.

Tinutugunan ng panukala ang krisis na mahigit dalawang taon nang halos mag-isang binibigyang diin ni Cayetano sa Senado.

Giit ni Cayetano, “irreversible” at panghabambuhay ang mga epekto ng kondisyong ito sa mga bata, gaya ng hindi sapat na development ng utak, mahinang resistensya, mahinang performance sa eskuwela, at mas mababang productivity pagtanda.

“Kung y’ung bata ay stunted, gaano man kaganda ang housing project mo, livelihood projects, or whatever, hindi ito makakapagbigay ng returns kasi once na stunted na, limited na ‘yong interventions na puwede,” ani Cayetano sa budget debates noong November 2024.

“Aanhin natin ang P6 trillion budget kung one-third, one-fourth, or one-fifth of your population is stunted or bansot?” dagdag niya.

Unang ipinanawagan ni Cayetano ang agarang aksyon laban sa stunting sa quarterly meeting ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 noong Setyembre 2023, matapos makausap ang Presidente ng Singapore na si Tharman Shanmugaratnam na nagpunto sa kanya ng kahalagahan ng anti-stunting measures sa pag-unlad ng isang bansa.

“He said the best return of investment, peso to peso, is in anti-stunting,” ani Cayetano noong 2023.

“You can have free and quality education, scholarships, and the best computers, pero ‘pag stunted ang bata, mahirap nang mai-correct iyon,” dagdag niya.

Mula noon, paulit-ulit nang hinikayat ni Cayetano ang kapwa senador na maglaan ng malaking pondo para sa isang multi-agency at pambansang programa na titiyak sa tamang nutrisyon ng mga batang Pilipino sa kanilang first 1,000 days of life. Isinusulong din niya ang pagtatayo ng health centers sa lahat ng barangay, at iprayoridad dito ang mga rehiyong may mataas na kaso ng stunting gaya ng BARMM.

Noong July 2025, naghain din si Cayetano ng panukalang batas na lilikha sa isang Anti-Stunting Action Plan o ASAP Council na aatasang bumuo at magpatupad ng whole-of-government at whole-of-society roadmap para pigilan, bawasan, at tuluyang wakasan ang child stunting sa bansa.

Sa kabila ng mga panawagang ito, hindi naisama sa 2026 national budget ang malakawang anti-stunting program na isinusulong ni Cayetano, bagama’t may pondo para sa first 1,000 days-related cash grants sa ilalim ng 4Ps.

“Are we willing years from now, y’ung young adults natin, one out of four of them cannot reach their full potential because of this (stunting)? We need a specific intervention,” ani Cayetano noong December 2025.

Matapos ang mga sponsorship speech nitong Miyerkules, muling sinuspinde ang pagtalakay sa proposed Expanded National Nutrition Program Act hanggang sa muli itong maisama sa agenda sa mga susunod na sesyon.

Kaugnay nito, hinikayat naman ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang lahat ng pambansang ahensiya, pamahalaang lokal at pribadong sektor na magkaisa upang suportahan ang pagsasabatas ng  Republic Act No. 11037, para sa pinalawak na  national feeding program’

 “Ang layunin natin ay hindi lang bigyan ng makakain ang mga batang Pilipino. Ang layunin natin ay bigyan sila ng masustansiyang pagkain na magpapalakas sa kanilang katawan, magpapatalas sa kanilang isip, at magtataas sa antas ng kanilang pagkatuto,” aniya.

“Kaya naman, hinihimok ko ang aking mga kasamahan dito sa Senado na suportahan natin ang panukalang batas. Hinihimok ko rin ang mga ahensiya ng pamahalaan, mga local government units, at ang private sector na makibahagi sa pagsusulong ng nutrisyon at kalusugan ng kabataang Pilipino,” giit ng senador.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here