MANILA, Philippines – Pormal na inireklamo sa Pasay City si Defense Secretary Gilberto Eduardo Gerardo Cojuangco Teodoro Jr. na kumukuwestyon sa rekord ng kanyang citizenship at ligal na kwalipikasyon.
Iginiit ng complainants na pinamumunuan ni Atty. Russel Miraflornila na ang mga usaping may kaugnayan sa citizenship, deklarasyon sa passport, at pagiging kwalipikado sa mataas na posisyon sa pamahalaan ni Teodoro ay dapat lutasin sa pamamagitan ng dokumentaryong ebidensya at mga legal na proseso ng gobyerno, hindi sa larangan ng pulitika.
Inihain nila ang isang Joint Complaint-Affidavit sa Office of the City Prosecutor ng Pasay City na humihiling ng case build-up at preliminary investigation kaugnay ng mga posibleng paglabag sa batas, kabilang ang umano’y maling deklarasyon sa aplikasyon sa Philippine passport, falsification of public of official documents, at perjury, kung ito ay mapatutunayan ng mga sertipikadong rekord ng pamahalaan.
Kasabay nito, naghain din ang mga complainant ng Verified Letter-Complaint and Request for Quo Warranto Evaluation sa Office of the Solicitor General (OSG), na humihiling sa mga abogado ng pamahalaan na alamin kung sapat ang mga opisyal na rekord upang magsampa ng quo warranto petition sa ngalan ng Republika na kumukuwestiyon sa legal na kwalipikasyon ni Teodoro upang magsilbi bilang Secretary of National Defense.
Binigyang-diin ni Miraflor na ang mga reklamong ito ay hindi naglalayong agad na hatulan si Teodoro kundi upang magkaroon ng pormal, patas, at nakabatay sa ebidensyang pagsusuri ng mga opisyal na rekord ng pamahalaan.
Nasa sentro ng mga reklamo ang mga dokumentong sinasabing nagpapakita na si Teodoro ay nagkaroon ng Maltese passport na may bisa mula Disyembre 22, 2016 hanggang Disyembre 22, 2026 at kalaunan ay nag-renew ng Philippine passport noong Marso 2017.
Ayon sa mga complainant, kinakailangang suriin ang mga opisyal na rekord upang matukoy kung ang mga deklarasyong ginawa kaugnay ng Philippine citizenship, foreign citizenship, dual citizenship, o foreign passport status ay naaayon sa mga hinihingi ng batas at kaukulang dokumentasyon.
Binanggit sa mga reklamo ang mga rekord na nagpapakita ng pagkakaloob ng Philippine Passport No. P2337396A at travel records ng Bureau of Immigration na gumamit ng Philippine passport si Teodoro sa mga biyahe sa ibang bansa mula 2016 hanggang 2021.
Hinihiling ng mga complainant ang opisyal na pagberipika sa mga rekord na ito, pati na rin ang anumang dokumentong may kaugnayan sa retention o reacquisition ng Philippine citizenship sa ilalim ng Republic Act No. 9225, kabilang ang oath of allegiance, orders of approval, identification certificates, renunciation of foreign allegiance, at iba pang kaugnay na rekord ng pamahalaan.
Ayon sa mga complainant, mahalaga ang usapin dahil hindi ordinaryong posisyon ang hawak ni Teodoro. Bilang kalihim ng DND, siya ay may direktang pananagutan sa pambansang depensa, mga usaping militar, seguridad ng teritoryo, at proteksyon ng Republika.
Hinihiling naman sa reklamong inihain sa OSG na suriin kung sapat ang mga umiiral na katotohanan at opisyal na rekord upang suportahan ang isang quo warranto proceeding na maaaring kumuwestiyon sa legal na batayan ng patuloy na panunungkulan ni Teodoro bilang pinakamataas na opisyal ng pambansang depensa ng bansa. Santi Celario