MANILA, Philippines – Isinelda ang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaresto ng pulisya na nagsusugal at bumabatak ng droga sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay NPD Acting Director P/BGen. Benliner Capili, nagsasagawa ng anti-criminality operation ‘Oplan Galugad’ ang mga tauhan ng Police Sub-Station 9 nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng ‘lucky 9’ sa ilalim ng NLEX Harbor Link Segment 10, sa Brgy., Karuhatan bandang alas-9:25 ng gabi.
Kaagad nilang nalapitan ang mga ito saka inaresto at nakumpiska sa kanila ang bet money, gamit na baraha at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Jun Jun”.
Nauna rito, dakong alas-6:35 ng gabi nang mahuli sa akto ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2 si alyas “Joel” na sumisinghot umano ng bato sa loob ng isang abandonadong bahay sa Sitio Kabatuhan Compund 3, Brgy., Gen T De Leon.
Nasamsam sa kanya ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at drug paraphernalias.
Kasong paglabag sa PD 1602 at R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek. (Merly Duero)