Home NATIONWIDE Posibleng maling paglabel ng bigas, natuklasan sa pagsusuri ng DA-BPI

Posibleng maling paglabel ng bigas, natuklasan sa pagsusuri ng DA-BPI

3
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture  na natuklasan sa isinagawang monitoring ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang mga posibleng maling pagle label ng bigas sa ilang pangunahing pamilihan sa mga lungsod, na nagdudulot ng pangamba na may ilang trader na ipinapasa ang imported na bigas bilang mas mahal na lokal na uri upang samantalahin ang pagkakaiba ng presyo sa merkado.

Sa ulat na isinumite noong Hunyo 11 sa Inspectorate and Enforcement Service at Legal Service ng Department of Agriculture (DA), inilahad ng Plant Product Safety Services Division ng BPI ang resulta ng pagsusuri sa anim na sample ng milled rice na kinuha mula sa Cogon Market sa Cagayan de Oro City at Commonwealth Market sa Quezon City. Ang ulat ay nilagdaan ni BPI Director Gerald Glenn Panganiban.

Gamit ang Philippine National Standard (PNS/BAFS 290:2025) para sa grading at classification ng bigas, kasama ang statistical origin profiling, natuklasan ng ahensya ang ilang hindi pagkakatugma sa pagitan ng idineklarang pinagmulan at resulta ng pagsusuri. Ito ay nagpapahiwatig ng posibleng maling representasyon sa paglalabel ng bigas sa mga pamilihan.

Sa anim na sample na sinuri, tatlo ang tumugma sa kanilang idineklarang lokal na pinagmulan. Gayunman, may isang sample na nakalabel bilang lokal na bigas na nagpakita ng mga katangiang mas malapit sa imported na bigas batay sa classification model, na nagdulot ng pangamba hinggil sa posibleng pagpapalit o muling paglalabel ng produkto sa loob ng supply chain.

Samantala, ang dalawang sample ng imported na bigas mula sa Commonwealth Market ay wastong natukoy bilang imported at nauri bilang Premium at Grade 1, ayon sa pagkakasunod, na nagpapakita ng mas mataas na pagsunod sa mga pamantayan sa kalidad ng paggiling, lalo na sa mababang bilang ng basag na butil.

Ipinapakita ng mga natuklasan ang lumalawak na agwat sa kalidad at presyo ng bigas, kung saan ang imported na bigas—na kadalasang mas mura sa wholesale market—ay maaaring nire-repack o maling nilalabel bilang lokal na bigas upang maibenta sa mas mataas na presyo, pagsasamantala sa kagustuhan ng mga mamimili para sa mga lokal na produkto.

Ayon sa BPI, ipinapakita ng resulta ng pagsusuri ang pangangailangan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga tuntunin sa paglalabel, mas matatag na sistema ng traceability, at mas pinaigting na pagbabantay sa merkado upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa mapanlinlang na gawi sa kalakalan.

Nanawagan naman si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. para sa mas malalim na beripikasyon at karagdagang pagsusuri upang mapangalagaan ang interes ng mga mamimili sa gitna ng mga iregularidad sa kalakalan ng bigas.

Inirekomenda rin ng ulat ng BPI ang pagpapaigting ng mga traceability check, beripikasyon ng mga deklarasyon ng pinagmulan ng bigas, at mas mahigpit na pagsubaybay sa pagsunod sa mga pamantayan sa grading at paglalabel ng bigas sa mga pamilihan. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here