Sa pagdiriwang ng 10th World Day Against Trafficking in Persons, hinikayat Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mamamayan na magkaisang labanan ang human trafficking sa lipunan
Binigyang diin ng obispo na kasalukuyang Vice Chairperson ng CBCP Migrant’s Ministry na walang puwang sa lipunan ang anumang uri ng pananamantala sa kapwa lalo na sa mga kabataan.
Ayon sa Obispo, malaki ang tungkulin ng bawat isa upang mawakasan ang mga kaso ng human trafficking sa bansa lalo na sa mga menor de edad.
Sinabi rin ng Obispo ang kahalagahan ng pananalangin sapagkat sa tulong ng habag at awa ng Panginoon ay nabibigyang proteksyon ang buhay ng tao.
Ayon sa pag-aaral ng International Labor Organization tinatayang nasa 40-milyong katao sa buong mundo ang itinuturing na modern-day slaves o mga biktima ng pang-aabuso na hindi makaalis o makatanggi dahil sa puwersa, pandaraya, karahasan, pang-aabuso ng kapangyarihan, o pamimilit na gawin ang isang bagay laban sa kanilang kalooban na kadalasan ay pinipilit na magtrabaho para sa kaunti o walang kabayaran.
Sa pagsaliksik naman ni Sara Mcgeough hinggil sa usapin ng human trafficking sa Pilipinas naitala ang halos isang milyong biktima ng modern-day slavery sa bansa kung saan nasa 60 hanggang 100-libo rito ay mga kabataan at 5, 000 ang domestic workers sa edad na 15 taong gulang pababa.
Tinuran ni Bishop Santos na ang mga kaso ng huamn trafficking ay nagsimula pa noong Biblical times sa Genesis nang ipagbili si Jose ng kanyang mga kapatid habang sa Exodus naman ang pang-alipin ng Ehipto sa mga Israelita.
Kaya naman mariin ang panawagan ng opisyal na dapat tugunan ang mga kaso ng human trafficking upang tuluyang lumaya ang mga biktima na ayon sa US Department State Tier 1 ang Pilipinas sa paggawa ng mga hakbang laban sa pang-aabuso. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)