MANILA, Philippines – Walang ibang opsyon ang Senado kundi ang mag-convene bilang isang impeachment court at simulan ang paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio matapos opisyal na mai-transmit ng Kamara ang Articles of Impeachment.
Ito ang binigyang-diin ni Fr. Ranhilio Aquino, dating Dean ng San Beda University
Graduate School of Law at eksperto sa jurisprudence.
Ayon kay Aquino, malinaw ang Konstitusyon sa tungkulin ng mga senador sa oras na matanggap ang reklamo mula sa mga mambabatas.
“Very clearly, the intendment of the Constitution is to mandate the Senate, once the articles of impeachment have been sent to it by at least one-third of the membership of the lower house, to proceed to trial,” pahayag ni Aquino.
Matatandaang sa botong 257-25 at 9 na abstention, inaprubahan ng Kamara ang Committee Report No. 261 at Resolution No. 989 na naglalaman ng mga reklamo laban kay VP Duterte.
Kabilang sa mga basehan ng impeachment ang usapin ng unexplained wealth, maling paggamit ng confidential funds, discrepancies sa kanyang idineklarang yaman, at ang napaulat na banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang nasabing bilang ng boto ay higit pa sa “one-third requirement” o 106 na boto na kailangan sa ilalim ng 1987 Charter para direktang maakyat ang kaso sa Senado.
Paliwanag ni Aquino, ang impeachment trial ay hindi isang ordinaryong legislative business na maaaring isantabi o balewalain na lamang ng mayorya sa Senado.
“Impeachment trials are not ordinary legislative business that, by a convenient majority, can be derailed or ignored. Rather, they have to do with the punishment of grievous wrong—the highest offenses that the highest public officers of the land can commit against the Republic,” dagdag pa nito.
Iginiit din nito na ang tungkulin ng Senado ay “to try”, ibig sabihin ay magpawalang-sala kung kulang ang ebidensya, o magpataw ng hatol na “guilty” kung malinaw at kapani-paniwala ang ebidensya.
Ipinaalala rin ni Aquino ang Section 1 ng Article XI ng Saligang Batas na nagsasabing ang “Public office is a public trust” at ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat managot sa taumbayan sa lahat ng 30pagkakataon nang may integridad at katapatan. Gail Mendoza