MANILA, Philippines – PARA sa Malakanyang, nilabag ni Vice-President Sara Duterte ang kanyang obligasyon sa taumbayan sa makailang ulit na ‘personal trip’ nito.
Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro na choice ni VP Sara na bumiyahe ng ibang bansa bilang personal trip nito subalit kailangan din na batid niya ang kanyang obligasyon bilang halal na Pangalawang Pangulo ng bansa.
“Ang kaniya lang sigurong malalabag ay ang kaniyang obligasyon sa taumbayan,” ang sinabi ni Castro.
“So, lumalabas po na personal trip ulit. Sa aking pagkakaalam, nag-celebrate siya ng kaniyang kaarawan sa Netherlands – that’s May 29, 30, 31 – at mayroon pa palang Qatar at mayroong Kuala Lumpur, at ngayon ay Australia. So, apat na bansa in just less than a month.”
“So, kung doon po abala ang ating Bise Presidente sa mga personal trips niya o personal trips with her family, choice po ng Bise Presidente iyon. Sabi nga natin, pang-personal o pambayan – that is the question. So, wala po tayong masasabi; kung anuman po ang ginagawa ngayon bilang Bise Presidente, ito po ang nakikita ng taumbayan sa kaniyang ginagawa bilang isang halal na lider ng bansa,” ang pahayag ni Castro.
Sa ulat, bumiyahe patungong Australia si VP Sara para sa isang personal na paglalakbay, kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon sa abiso, kabilang sa kaniyang itinerary ang pagdalo sa isang kilos-protesta na nananawagan ng paglaya ng kaniyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakatakdang dumalo si VP Sara sa “Free Duterte Now” rally na gaganapin sa Melbourne ngayong Linggo, Hunyo 22.
Ang naturang aktibidad ay bahagi ng panawagan para palayain ang dating pangulo na kasalukuyang nahaharap sa mga kasong isinampa sa international tribunal.
Bago ang biyahe sa Australia, nagtungo rin si VP Sara sa Malaysia noong nakaraang linggo para sa personal trip kasama ang kaniyang pamilya.
Dumalo siya roon sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan at nakisalamuha sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) bilang bahagi ng kaniyang pakikiisa sa Filipino community sa ibang bansa. Kris Jose