MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos mamaril ng isang singer sa Talisay, Batangas.
Ayon sa ulat, naglalaro ng bingo ang biktima nang lapitan ito ng suspek para mag-alok umano ng gig kung saan ito kakanta sa isang party.
Dito na biglang binaril ng suspek ang biktima sa ulo.
Sa pamamagitan ng backtracking ng CCTV footage, nakilala at natunton ang suspek.
Narekober sa kanya ang .45 caliber pistol na ginamit sa krimen, at ang jacket at sumbrero na suot nito nang mangyari ang insidente.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang motorsiklo na ginamit ng mga suspek nang tumakas sa insidente.
Batay sa imbestigasyon, binayaran ang suspek para patayin ang biktima.
Nahaharap ito sa reklamong murder, sa kabila ng pagtanggi sa alegasyon.
Samantala, kinumpirma ng pamilya ng biktima ang pagkakakilanlan nito at hinimok ang suspek na ilantad ang mastermind.
Anang Talisay police, kalalaya lamang ng suspek matapos makapagpiyansa noong nakaraang linggo dahil sa reklamong illegal possession of firearms at paglabag sa election gun ban.
Tinutukoy pa ng mga awtoridad ang mastermind at isa pang indibidwal na nagsilbing lookout.
Tinitingnan na rin ang posibleng motibo sa krimen. RNT/JGC