Home METRO Obrero humingi ng sigarilyo, tingga ang binigay ng katrabaho

Obrero humingi ng sigarilyo, tingga ang binigay ng katrabaho

BANGUED, Abra – Basag ang bungo ng isang 22-anyos na binatilyo matapos itong barilin sa ulo ng kanyang katrabaho sa Bangbangar, Bangued, Abra.

Kinilala ang biktima na si Bryan Dave Tebia, residente ng Quidaoen, San Juan, Abra habang ang suspek naman ay katrabaho nito sa telecom company na si Alejandro Castillo alyas Buldog na residente rin sa nasabing lugar.

Una rito nag-iinuman ang biktima at ang suspek ngunit nang makaramdam na ng pagkahilo, nagpaalam ng matutulog ang biktima.

Subalit, ilang minuto lamang ay pasigaw na tinawag ng suspek ang biktima upang bumalik sa inuman.

Bumangon naman ang biktima at bumalik sa lamesa kasama ang pinsan nito.

Nang humingi na ng sigarilyo ang biktima, sa halip na sigarilyo baril ang inilabas ng suspek at saka ito tinutok at pinaputok sa ulo ng biktima.

Tumagos ang bala at tinamaan naman sa hita ang pinsan ng biktima.

Agad binawian ng buhay si Tebia habang tumakas naman kaagad ang suspek at pinaghahanap pa rin hanggang ngayon ng pulisya. Rey Velasco