Home METRO Special non-working holiday sa Paranaque sa Pebrero 13

Special non-working holiday sa Paranaque sa Pebrero 13

MANILA, Philippines – Idineklara ng Malacanang na special non-working day ang Pebrero 13 sa Paranaque kaugnay sa selebrasyon ng ika-126 anibersaryo ng lungsod.

Sinabi ni Paranaque City Mayor Eric Olivarez, base sa Proclamation No. 461 na inisyu ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang Pebrero 13 sa Parañaque City ay isang special non-working day upang mabigyan ng pagkakataon o oportunidad ang mga residente na makilahok at makisaya sa selebrasyon ng 126th cityhood anniversary.

Bukod sa suspenyon ng pasok sa trabaho sa lungsod ay suspendido rin ang klase sa lahat ng eskwelahan sa araw ng selebrasyon ng anibersaryo.

Ayon kay Olivarez, naglatag ang lokal na pamahalaan ng iba’t-ibang aktibidad kung saan pinangunahan ito ng tradisyon ng grand “Sunduan” sa Saint Andrews Cathedral sa Barangay La Huerta at susundan naman ng konsiyerto sa Parañaque City Hall.

Paliwanag ni Olivarez, ang “Sunduan” ay isang tradisyon sa lungsod kung saan susunduin ng lalaki ang isang babae sa bahay para dalhin ito sa simbahan o dili kaya ay sa plaza ng lungsod.

Dagdag pa ni Olivarez na para maging mas malakas ang dating ng isang lalaki sa babaeng kanyang minamahal at ng mga magulang nito ay nagdadala ang mga kalalakihan ng banda na sasama sa kanila habang naglalakad ang magsing-irog patungo sa simbahan. (James I. Catapusan)

Previous articleIba pang foreign language pinasasama sa K to 12 curriculum
Next articleObrero humingi ng sigarilyo, tingga ang binigay ng katrabaho