Home METRO Obrero pinagtulungang patayin ng mag-ama

Obrero pinagtulungang patayin ng mag-ama

MANILA, Philippines – Pinagtulungan umanong patayin ng mag-ama ang isang obrero sa nangyaring pagtatalo noong Pebrero 1, sa Camp 7, Baguio City.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Roger Castillo Labungray, 48, pintor, residente ng Camp 7, at anak nitong si Chris Smith Morales Labungray, 30, merchandiser, at residente ng Purok 14, Cypress, Irisan.

Sa imbestigasyon ng Baguio City Police Office Station 8, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mga suspek at ang biktimang si Donal Saysayag Desierto, 49, trabahador, mula sa Purok 4, Balsigan, habang nag-iinuman alas-8 ng gabi sa construction area.

Umalis si Roger at bumalik dala ang kutsilyo saka pinagsasaksak ang biktima.

Dumating naman ang anak na si Chris at pinagpapalo ng metal na tubo ang ulo ng biktima.

Tumakas ang mga suspek habang naisugod naman sa ospital ang biktima ngunit idineklara na ring patay.

Sa isang hot pursuit operation ay naaresto si Chris, habang kusang sumuko naman si Roger sa Baguio City Police Office Station 10 noong Pebrero 2.

Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong pagpatay. RNT/JGC

Previous articleMedium-term IT harmonization initiative target buhayin ng DICT
Next articleManhunt vs Ampuan Gang, ipinag-utos ni Acorda