MANILA, Philippines – Target ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na buhayin ang Medium-Term Information and Communications Technology Harmonization Initiative (MITHI).
Layon ng MITHI na gawing magkakaugnay at pantay-pantay ang ICT-related programs, resources at mga proyekto ng pamahalaan at iba’t ibang institusyon.
“Iyong sa government network na interrelated, mayroon na po kaming facility ngayon. Ibinabalik na namin iyong MITHI; ito ay pag-uusap — the Medium-Term IT Harmonization Initiative — iyon po ang ibig sabihin ng MITHI,” ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy sa isang news forum.
Ani Dy, ang inisyatibo ay sa pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management.
“Upang lahat ng mga IT projects, kasama na iyong cyber security projects, ipadaan sa DICT, sa DBM, kasama na rin ang NEDA (National Economic and Development Authority), DOF (Department of Finance) para kapag ginawa ang budget, alam din namin na iyong binibili consistent and within the ambit of what can work together,” dagdag niya.
Kasabay ng forum, hinimok din ni Dy ang iba pang ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng polisiya sa kanilang mga kagamitan na ginagamit sa trabaho, upang hindi magamit sa non-work related software na magdadala ng potential hazards.
“Sa ngayon ang ibigay lang namin ay guidance; huwag ninyong gagawin kung hindi work-related,” ayon pa sa official.
Posible rin na maglabas ang DICT ng kautusan na ipagbawal ang mga aktibidad at software na mai-download at gamitin sa pamamagitan ng government-owned devices. RNT/JGC